Ulat ng BH Team
Nasawi ang Dangal ng Lahing Cagayano awardee na si Dr. Nixon Cabucana sa isang aksidente sa bayan ng Baggao, Cagayan ng 8:15 ng gabi nitong Setyembre 15, 2025.
Patungo sana sa Tuguegarao City ang biktima nang mapadaan ito sa isang makipot na tulay sa Sitio Sinippil, Brgy. Tungel, Baggao.
Dahil malakas ang ulan, hindi umano napansin ni Dr. Cabucana ang makipot na tulay dahilan para bumangga ito sa nakatambak na buhangin sa gilid ng tulay at tuluyang dumausdos pababa at nahulog sa ilog.
Matapos ipagbigay alam sa mga awtoridad ay agad nirespondehan ang insidente at isinugod pa sa pagamutan si Dr. Cabucana nguniāt idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.
PLTCOL. Rovelita Aglipay, COP ng Baggao, si Dr. Cabucana ay bumibiyahe papuntang Tuguegarao nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Bandang alas-8:11 ng gabi, kasagsagan ng ulan, tumawag ang mga residente upang iulat ang isang sasakyang nalaglag sa tulay sa nasabing sitio.
Ayon sa pulisya, dati umanong masukal at may mga damo na nagsisilbing palatandaan na malapit na sa tulay. Subalit, dahil sa paglilinis kamakailan, nawala ang mga damong ito at hindi na natantsa ni Dr. Cabucana ang kinaroroonan ng tulay.
Nabatid na may buhangin sa bahagi ng tulay, na posibleng naging sanhi ng pagdulas at pagkahulog ng sasakyan. Natagpuan ang sasakyan na nakabaligtad (upside down), nakataas ang mga gulong, at nakalubog ang kalahati sa tubig. Mag-isang sakay ng sasakyan ang doktor at nakitang nakaseatbelt, subalit ang kanyang ulo ay nakalubog sa tubig.
Si Dr. Cabucana ay ginawaran ng Gintong Medalya sa larangan ng Community Development sa Dangal ng Lahing Cagayano nitong Hunyo 2025 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.#