Courtesy: DOLE Region 2

Tuguegarao City—Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagbigay sa Tuguegarao City Vendors Association ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng 1 milyong PHP upang suportahan ang ekonomiya ng komunidad ng mga Muslim sa lungsod.

Layunin ng tulong na ito na mabigyan ang 51 miyembro ng asosasyon ng pagkakataong magsimula ng kanilang sariling negosyo. Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng mga kagamitan para sa negosyong Rice Retailing—isang hakbang upang mapatatag ang kanilang kabuhayan.

Ayon sa director ng DOLE Region 2 na si Jesus Elpidio B. Atal Jr., ang programang ay isang patunay ng suporta ng pamahalaan sa lahat ng uri ng lipunan, anuman ang kanilang kultura at pinagmulan.

“Nais kong maramdaman ninyo (Muslim community) na hindi kayo iba sa amin. Kayo ay bahagi ng aming pamilya dito sa Cagayan. Suportado kayo ng gobyerno sa inyong hangaring umunlad,” dagdag niya.

Si Omar Usman, isa sa mga benepisyaryo, ay lubos na nagpapasalamat.

“Napakalaking tulong sa akin ng bigasang ito. Maliban sa kita ko sa pagkukumpuni ng cellphone, may buwanang kita pa akong maaasahan mula rito. Makakabili rin ako ng bigas sa mas murang halaga para sa aming pamilya. Hindi na ako mahihirapan sa pagpapaaral ng aking anim na anak, lalo na sa nalalapit na pagtatapos ng aking anak sa kolehiyo,” pasasalamat ni Omar Usman, miyembro ng asosasyon.

Sa pagsisikap na itaguyod ang pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba sa kultura at paniniwala, patuloy ang pagsisikap ng DOLE na magbigay ng kita sa iba’t ibang sektor ng lipunan.#