Sta. Fe, Nueva Vizcaya—Sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program, ang DOLE Nueva Vizcaya ay nagbigay ng starter kits para sa kabuhayan ng 18 na manggagawa at nagbigay ng tulong pinansyal sa 48 na benepisyaryo ng Special Program for Employment of Students (SPES) nitong ika-15 ng Enero.
Ang mga benepisyaryo ng livelihood program ay binigyan ng nasa kabuuang P540,000.00 para sa mga proyekto tulad ng food vending, welding, carpentry, automotive repair, mga serbisyo sa salon, at paggawa ng damit.
“Ang mga benepisyaryo ng kabuhayan program ay mga bihasang manggagawa kaya’t nararapat lang na sila’y tulungan ng Kagawaran,” saad ni Elizabeth, ang tagapamahala ng probinsya ng DOLE.
Ayon pa kay Elizabeth pinahahalagahan niya ang lokal na pamahalaan, sa pamumuno ni Mayor Liwayway Caramat, para sa pakikipagtulungan nito sa DOLE upang matiyak na ang mga benepisyaryo ay kwalipikado.
Bahagi rin ng programa ay ang pagsasanay sa mga benepisyaryo sa mga pamamaraan ng pamamahala ng pera upang matulungan silang pangasiwaan ang kanilang sariling kita.
Sa kabilang banda, ang P181,528.00 ay ipinamahagi sa mga SPES beneficiaries. Ang P3,781.84 ay ipinagkaloob sa bawat mag-aaral na nabigyan ng pagkakataong magtrabaho habang nasa bakasyon.
“Malaking tulong ito para sa aking allowance. Tatanawin ko po ito bilang utang na loob hanggang makamit ko ang aking pangarap na maging nurse,” pasasalamat ni Jonafe Hulay, isang mag-aaral sa ikalawang taon sa Anabua National High School.#