Ulat ng BH Team
SANTIAGO CITY-Bumandera ang iba’t ibang grupo ng mga siklista ang nakipadyak sa “1-4-Alan Peter Cayetano Bike Caravan” sa lungsod na ito noong nakaraang Linggo bilang pagpapakita ng suporta kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano na tumatakbong Senador sa darating na halalan.
Inorganisa ng Santiago City Bike Community at Santiago Mountain Bikers ang caravan at tinahak nila ang 15 kilometrong ruta na dumaan sa Freedom Park at mga kalye ng Barrera, Panganiban, Dubinan, City Road, Mabini Circle, Santiago Bypass Road at Camacam Street. Nagtapos naman ang mga siklista sa Freedom Park sa Calaocan.
Lumahok din sa caravan sina Mayor Joseph Tan, Isabela 4th District Rep. Sheena Tan, at ang Team KAISAKA slate.
Naglunsad din ng kani-kanilang mga caravan ang mga taga-suporta ni Cayetano sa Quezon City, Maynila, Mandaluyong City, Bulacan, Olongapo City sa Zambales, Imus sa Cavite, Calamba sa Laguna, Albuquerque at Tagbilaran City sa Bohol, Pagadian City sa Zamboanga, Iligan City sa Lanao del Norte, at Tagum City sa Davao del Norte.
Ito na ang pangatlong nationwide caravan na inilunsad ng mga taga-suporta ni Cayetano bilang pakikiisa sa eco-friendly campaign nito.
Buwan ng Pebrero nang ihayag ng dating Speaker ang desisyon niyang magkaroon ng isang eco-friendly at lead-by-example campaign ngayong eleksyon, kung saan hindi siya magsasagawa ng mga motorcade na maaksaya aniya sa gasolina at makadadagdag sa polusyon.
Hindi rin siya gumagamit ng mga printed material gaya ng mga poster, flyer, at tarpaulin para hindi na aniya makadagdag sa tone-toneladang basurang naiipon tuwing eleksyon.
Sa halip, hinikayat ng dating House Speaker ang kanyang mga taga-suporta na magtanim ng mga puno at mangrove, magtayo ng mga urban farm, at gamitin ang social media bilang mga alternatibo sa tradisyunal na pangangampanya.
Pinuri naman ng iba’t ibang environment group ang panawagan ng dating Speaker tulad ng EcoWaste Coalition dahil nagpapahayag anila ito ng “malalim na pagkalinga sa kalikasan at mahalagang mission na gawing mas malinis, ligtas, at maayos ang kampanya hanggang sa araw na halalan”.
Ayon kay Cayetano, na nangunguna pa rin sa pinakabagong survey ng Pulse Asia para sa mga kandidato sa pagka-Senador, isusulong niya ang isang “faith-based at values-oriented na pamumuno” sa Senado.#