(Nailathala sa BALITANG HILAGA, Sept. 14 – 20, 2024 print edition)
ISANG piging ng magandang balita para sa mga marino ang sumalubong sa kanila matapos ibandilyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes na sa wakas ay nilagdaan na niya ang Republic Act No. 12021 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers Act.
Kung tutuusin, matagal bago ito nagawa dahil mga pitong buwan ang lumipas pagkatapos niyang ibalik sa Kongreso ito bilang isang priority measure para sa karagdagang pagpipino ng Kongreso.
Malaki ang maitutulong ng batas sa mahigit 50,000 Filipino seafarers na nagtatrabaho sa European vessels na muntik nang mawalan ng trabaho dahil sa paulit-ulit na hindi pagpasa ng Pilipinas sa mga pamantayang itinakda ng European maritime authorities.
Kaya naman sinertipikahan ni Pangulong Marcos na apurahin ang panukala noong nakaraang taon ngunit tila naging matigas ang mga ilang mambabatas.
Ang magandang bagay ay ang pinagtibay na batas ay magiging isang mahalagang pandagdag sa pagtulong sa pagpapabuti ng pagsasanay ng mga marino pati na rin ang kanilang mga kondisyon sa pagtatrabaho sa loob ng industriyang pandagat.
Ipinakikita ng mga programa sa telebisyon na ang Pangulo, sa kanyang talumpati sa paglagda sa nakatala na bersyon ng Senate Bill No. 2221 at House Bill No. 7325, ay inilarawan ang RA 12021 bilang isang batas na nagbibigay-daan sa “walang patid na pag-ayon sa Standards for Training, Certification and Watchkeeping” o STCW, na itinakda ng European Maritime Safety Agency o Emsa] pati na rin ang tinatanggap na mga pandaigdigang batas sa paggawa sa dagat.”
Sa wastong pagpapatupad, ang bagong batas ay makakatulong sa pagpapalakas ng mga institusyong pandagat.
Titiyakin nito ang sapat na pagsasanay, makatarungang sahod, at patas na benepisyo para sa mga marino, at magsisilbing legal na balangkas laban sa kanilang pagsasamantala at diskriminasyon sa hanay ng mga marino.
Mas mabuti nang huli na kaysa hindi na ipatupad ang batas na ito.#