(Nailathala ito sa June 29 – July 5, 2024 print edition)

ISANG magandang pangitain ang nakikita ngayon dahil nagsimula nang magbunga ang mga foreign investments na nasa $19 na bilyon na ngayon mula sa mga nabitbit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang mga biyahe sa iba’t ibang bansa.

Kung pagbabasehan ang ulat ng Department of Trade and Industry (DTI), malaking tulong ito lalo pa at ang pondo ay hawak na raw ng investment promotion agencies (IPAs) sa bansa.

Positibo ang tugon ni Trade Secretary Federico Pascual sa mga katanungan ng media dahil ang kabuuang bilang ng mga proyekto ay umabot na sa 65, nasa 12 dito ay nasimulan na.

Ang 21 naman ay nairehistro na sa Board of Investments (BOI) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at ang 32 ang inaasikaso na ang rehistro sa DTI.

Dagdag pa rito ang halaga ng mga pamumuhunan sa bansa na mas mataas raw sa naiulat ng DTI na $14 na bilyon noong nakaraang taon.

Ang nasimulang 12 proyekto raw ay nagkakahalaga ng $327 na milyon, samantalang $1.6 na bilyon naman ang halaga ng mga naaprubahan ng BOI at PEZA at $17 na bilyon naman ang inirerehistro na sa IPAs.

Ngayong buwan ng Hunyo, may 231 proyekto na ang may plano, kabilang ang mga sasailalim sa public-private partnership at ang mga ito ay may kabuuang halaga na $61 na bilyon. Isang pagpupugay para sa banaag ng pag-asa sa kaunlaran ng bansa.#