(Nailathala ito sa May 18 – 24, 2024 print edition)
Mayroong higit pa sa nakikita ng mata.
Dahil sa babala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko na ang tinatawag na “magic mushroom” ay delikado sa kalusugan bukod pa sa pinagbabawal ang pagtatanim, pagbebenta, at paggamit nito, dapat na mas mag-ingat ang mga tao ngayon.
Ang mga magic mushroom ay naglalaman ng psilocybin, isang hallucinogenic na ilegal na droga, ayon sa Dangerous Drugs Board (DDB).
Noong Mayo 18, nagsagawa ng buy-bust operation ang PDEA sa isang beach resort sa Barangay Galongen sa Bacnotan, La Union, kung saan kabilang sa mga nasabat ang mga chocolate bar, lollipop, at Gummy Bear candy na may sangkap na magic mushroom.
Nakumpiska rin sa operasyon ang marijuana joints, ecstacy, kush at cocaine, na may kabuuang halaga na P145,000. Pitong katao ang arestado sa operasyon, kabilang ang isang dayuhan.
Sinabi rin ng PDEA na nakakalat sa social media ang mga advertisement na nakakapagpagaling ng mga sakit ang magic mushroom.
Ayon sa mga social media influencers at ilang personalidad, bahagi ito ng tinatawag na “soul therapy” sa yoga.
Gayunpaman, ang social media hype ay hindi ginagarantiyahan ang anumang mga benepisyo sa kalusugan at magandang bentahe para sa mga hindi nagsusuri ng higit pa sa pagiging epektibo nito.
Maging mapagbantay palagi.#