(Nailathala ito sa June 1 – 7, 2024 print edition)

HABANG hinihigpitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanilang mga patakaran sa mga produktong vape, pinaalalahanan ng mga opisyal nito ang mga mangangalakal na simula noong Hunyo 1, ang mga nasabing produkto ay may mandato na magkaroon ng tax stamps.

Iwasang suwayin ang revenue memorandum dahil binabalaan ng BIR, sa pamamagitan ni Commissioner Romeo Lumague Jr., ang mga lalabag na kukumpiskahin ang mga produkto nang walang tax stamps.

Ang regulasyon hinggil sa pagkakaroon ng tax stamp system sa mga produktong vape na katulad ng ipinatupad sa mga sigarilyo ay kapuri-puri na hakbang dahil layunin nito na masubaybayan ang pagbebenta ng mga ito para sa tamang pangongolekta ng buwis.

Batay sa unang pagtataya, mahigit P13 bilyong pera ang nawawala sa kita ng gobyerno dahil sa illegal vape products at umaabot ito sa P50 bilyon kung isasama ang mga pekeng tobacco products.

Dalawang taon nang nagsasagawa ng operasyon ang BIR laban sa mga smuggled na produkto ng vape ngunit hindi sapat ang mga operasyon.

Dahil dito, iniutos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa Bureau of Customs (BOC) at BIR na palakasin ang kampanya laban sa smuggling ng mga produktong tabako at vape.

Bukod sa BOC, pinaigting pa ng mga opisyal ng BIR ang kanilang diskarte laban sa mga smuggled na produkto ng vape.

Dagdag pa rito, masigasig ang BIR sa pagpapatupad ng bagong tax stamp system para maalis sa merkado ang mga ilegal na produkto ng vape. Hiniling din nito na amyendahan ang Anti-Agri Smuggling Act of 2016 para isama ang mga produktong tabako.

Hinimok ng Private Sector Advisory Council-Agriculture Sector Group (PSAC-ASG) ang DTI na magtakda ng deadline para sa pagpaparehistro ng mga importer at manufacturer ng vapor products at inatasan ang BIR na simulan ang pagtatakda ng tobacco tax at vapor products.

Ang mga iligal na ibinebentang vape ay dapat na matanggal sa lahat sa anumang pagkakataon.#