Kolum ni VILLAMOR C. VISAYA JR. (Nailathala ito sa Oct. 5 – 11, 2024 print edition)
HINDI pa rin katig ang pambansang pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa isyu ng pabuya para sa kampanya laban sa droga noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa itong malaking desisyon ng pamahalaang Marcos dahil para sa kanila, ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas at hind ang International Criminal Court (ICC) ang dapat na magsiyasat hinggil rito sa naisiwalat na “monetary reward system” ng kampanya kontra droga noong panahon ni Duterte.
Katig rito ang Solicitor General na si Menardo Guevarra, dahil makakabuti raw ang mga nakalap na ebidensiya sa pagdinig ng House quad committee.
Tama nga lamang na maibabahagi ito sa mga ahensiya na angkop lamang para pormal na maimbestigahan ang administrasyong Duterte pero hind isa ICC.
Naging isyu ang “reward system” dahil sa pagtestigo ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa naging pagdinig ng komite kamakalawa. Kung magugunita, naging hepe si Garma ng isa sa mga presinto ng Davao City Police bago ito naitalaga ni noon Pangulong Rodrigo Duterte sa PCSO.
Halaw raw sa modelo ng Davao City ang cash reward system sa mga pulis na sangkot sa anti-drug campaign. Ang siste, depende kung namatay ang suspek, kabilang rito ang pagpopondo at pagbabalik ng nagastos ng mga pulis sa operasyon.
Dahil mga trabaho ito ng pamahalaan, dapat lamang na ibigay sa mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Justice, National Bureau of Investigation at Office of the Ombudsman at hindi sa pang-internasyunal na ahensiya.
Ang unang aksyon sa hustisya ay mula sa bansang Pilipinas. Hindi ang mga banyagang ahensya.#