(Nailathala sa BALITANG HILAGA, April 26 – May 2, 2025 print edition)
HABANG papalapit ang halalan, ang Pilipinas ay nasa bingit ng pagkawala ng tiwala ng maraming rehistradong botante sa sistema ng party-list.
Ang patuloy na pagbaluktot ng sistemang party-list na ito ay naglalagay ng mga mayayaman at mga taong may impluwensya, sa anyo ng adbokasiya para sa mga hindi kinakatawan at mga nasa laylayan, bilang mga kinatawan sa hindi tuwirang paraan.
Sa ngayon, ang Kamara ng mga Kinatawan ay mayroong 317 puwesto para sa mga kinatawang distrito at mga kinatawang mula sa party-list.
Sa ilalim ng Seksyon 5, Artikulo VI ng Konstitusyon at ng Party-List System Act, ang mga kinatawan ng party-list ay dapat bumuo ng 20 porsyento ng kabuuang mga miyembro ng Mababang Kapulungan kasama na ang mga nasa ilalim ng party-list.
Kaya naman, hindi bababa sa 63 puwesto ang ibinibigay sa mga kinatawan ng party-list na ang mga nanalo ay kadalasang mga mayayaman at impluwensyal.
Ang patakaran ay nagsasaad na ang mga partido na makakatanggap ng hindi bababa sa 2% ng kabuuang boto para sa party-list system ay magkakaroon ng isang upuan bawat isa, habang ang mga makakakuha ng higit sa 2% ng mga boto ay magkakaroon ng karagdagang mga upuan ayon sa kabuuang bilang ng kanilang mga boto.
Ang grupong party-list na may pinakamataas na bilang ng boto ay maaaring makakuha ng tatlong upuan.
Kung ang mga party-list na grupo na may 2% at mas mataas na boto ay hindi makakakuha ng lahat ng 63 na puwesto, ang mga susunod na grupo na may pinakamalapit na bahagi ng boto sa 2% ay makakakuha ng isang puwesto bawat isa hanggang mapuno ang lahat ng puwesto ng party-list.
Bawat kinatawan ng party-list ay magsisilbi ng tatlong taong termino.
Ang Party-list System Act, na tila may magandang layunin na itaguyod ang proporsyonal na representasyon sa halalan ng mga kinatawan sa Mababang Kapulungan, ay hindi talaga naglilingkod sa kanyang marangal at tunay na layunin.
Layunin nitong bigyang-daan ang mga Pilipino na kabilang sa mga marginalisado at hindi gaanong kinakatawan na sektor, organisasyon, at partido, at yaong mga walang malinaw na political constituencies ngunit maaaring makapag-ambag sa pagbuo at pagpapatupad ng angkop na batas upang maging miyembro ng Mababang Kapulungan.
Ngunit, hindi pa ito nangyayari. Bilang mga marginalized at underrepresented, ang mga kinatawan ay dapat kabilang sa mga sektor na marginalized at underrepresented tulad ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, mahihirap sa lungsod, mga katutubong komunidad, mga may kapansanan, mga beterano, at mga overseas workers.
Pagkatapos ay dumating ang desisyon ng Korte Suprema na ang isang party-list na may adbokasiya sa mga ganitong sektor ay maaaring tumakbo.
Ang pagbaluktot na ito ay “pumatay” sa tunay na diwa ng partylist. Ang pangangailangang amyendahan o kahit baguhin ang batas ay napapanahon na ngayon.#