Namatay ang isang 20-anyos na estudyante sa Nursing at kasalukuyang Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson ng Barangay Centro-San Antonio sa Lungsod ng Ilagan matapos bumangga ang kanyang motorsiklo sa isang nakaparadang kotse sa gilid ng kalsada bandang alas-2:40 ng madaling araw sa kahabaan ng Brgy. Malalam, City of Ilagan, Isabela, January 29.
Ayon kay Police Captain Noralyn Andal, tagapagsalita ng Ilagan police, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na bago ang insidente ay minamaneho ni Aerome Josh Cabalonga, 20-anyos, ang kaniyang ADV na motor sa national road ng Barangay Malalam.
Pauwi na umano ang biktima sa Barangay San Antonio mula sa isang okasyon kasama ang barkada at pagkarating sa lugar, nawalan ito ng kontrol sa kaniyang motorsiklo at sumalpok sa kotseng Mirage na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng impak ay nagtamo ang biktima ng matinding pagdurugo sa ulo at katawan na kaagad namang isinugod ng Rescue 1124 sa pagamutan ngunit idineklara siyang dead-on-arrival ng doktor dahil sa internal hemorrhage.
Inaalam pa ng kapulisan kung kakasuhan ang may-ari ng sasakyang nakaparada habang kasalukuyan pa ang follow-up investigation.#