Photo Courtesy: PNP PRO2

Camp Marcelo A. Adduru Tuguegarao City – Kulungan ang bagsak ng isang babae matapos makorner ng pulisya sa ikinasang drug buy-bust operation sa lungsod ng Santiago kanina umaga.

Ang suspek ay kinilalang si Cristina Tulaban, may asawa 34 anyos, residente ng Purok 7, Rosario, Santiago City.

Batay sa report ng PNP Santiago, pasado ala una ng madaling araw kanina nang magsagawa ng drug buy-bust operation ang pinagsanib pwersa ng Santiago Drug Enforcement Unit, Santiago City Police Station 1 sa pakikipag ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Unit 2 sa Ipil Ipil Street, Purok 2, Brgy Calaocan sa nasabing lungsod na nagresulta ng pagka aresto ng suspek na si Tulaban.

Nakumpiska sa kanyang pag iingat ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, isan libong piso, isang 500 pesos bill na ginamit bilang buy-bust money at isa pang pakete ng shabu na nakalagay sa brown sling bag.

Napag alaman na ngayon pa lamang napasama sa listahan ng mga drug personalities ng Santiago City Police Office bilang Street Level Individual sa lungsod ng Santiago.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.(PNP PRO2 PR)