Courtesy: PNP-Region 2/CagayanPIO

Ipinasakamay ng kapulisan ng Mandaluyong City Police Sub-Station sa hanay ng Regional Intelligence Division (RID) ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang itinuturong akusado sa pamamaslang sa dating City Councilor ng Lungsod ng Tuguegarao na si Rosemarie “Osang” Bunagan-Bansig. 

Ito ay matapos ang pagsuko ni Alyas Gabby, 44-anyos, tubong Iguig at residente ng Sta. Maria, Bulacan na may nakabinbin na warrant of arrest sa Regional Trial Court Branch 10 sa Tuguegarao City noon pang 2017.

Sa isinagawang pulong-balitaan sa Regional Headquarters ng PRO2, inihayag ni PCOL Rodelio Samson, Deputy Regional Director for Operations na kasabay ng pag-upo ni PBGEN Antonio Marallag Jr. bilang direktor ng Pampansang Pulisya sa rehiyon ay ipinasuri nito ang lahat ng mga nakabinbing warrant of arrest upang matugis ang mga akusadong nagtatago sa batas. 

Kabilang naman sa natukoy ay ang naka-pending na Mandamyento de Aresto laban sa naturang akusado dahil sa kasong Murder kaya agad umanong nagsagawa ng intelligence operation ang mga otoridad kung saan napag-alamang si Alyas Gabby ay nagtatago at naninirahan sa bahagi ng Bulacan. 

Mula nang maramdaman ng akusado na malapit na itong masukol dahil sa patuloy na paghahanap ng mga otoridad ay nagpasya naman siyang lumapit sa isang kilalang programa sa radyo nitong Enero 23, 2025 upang sumuko. 

Agad namang ipinasakamay ng nasabing programa ang akusado sa tanggapan ng Mandaluyong City Police hanggang sa ipasakamay ito sa PRO2. 

Samantala, inihayag naman ni Army Col. Tim Kenneth Bansig, asawa ng napaslang na Konsehal at kasapi ng Army Judge Advocate General’s Office, ang hirap ng pinagdaanang proseso upang matunton ang mga nasa likod ng pagbaril-patay sa kanyang may-bahay. 

Aniya, sa mahigit isang dekada nang mangyari ang insidente ay nawala na umano ang galit sa kanilang puso nguni’t kinakailangan ng hustisya. Gayunman, naniniwala umano siya na ang nahuling akusado ay hindi ang mismong killer kun’di ang mga taong nag-utos sa kanya upang patayin ang kanyang asawa. 

Nanawagan din si Bansig sa mga otoridad na protektahan si Alyas Gabby dahil kasabay ng pagsuko nito ay ang posibilidad na may magtatangka sa kanyang buhay upang hindi maituro ang totoong nasa likod ng krimen. 

Umaasa rin ang pamilya ng namayapang konsehal na sa pamamagitan ng pagsuko ni Alyas Gabby ay unti-unti nang makakamit ang hustisya para sa kanya.

Noong Nobyembre 13, 2014, patay sa  pamamaril si Councilor Bunagan-Bansig kung saan, batay sa ulat ay binabagtas nito at ng kanyang driver ang kahabaan ng Buntun-Pallua Road, Tuguegarao City nang pagbabarilin sila ng dalawang suspek na lulan ng motorsiklo na sanhi ng kanyang kamatayan.#