Bukod sa pagiging Unang Smart at Sustainable City sa Pilipinas, mayaman rin ang Cauayan City sa kasaysayan na magbibigay ng makabuluhang alaala. Matatagpuan ito sa tinatawag na “Hacienda de San Luis Eco-Tourism Park” na itinatag noong 1880 at pinangalanan sa pangalan ng patron na si Saint Louis ng Espanya. Ito ay isang eco-tourism spot sa Cauayan City na kilala noon bilang isang Tabacalera hacienda sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. Sa kasalukuyan, ang hacienda ay mayroong isang museo kung saan maaring matuto tungkol sa kasaysayan ng Cauayan City at makita ang Tabacalera. Kasama rin sa mga aktibidad dito ang zipline, rappelling, at rock climbing.
Ang Hacienda de San Luis ay parang pagbalik sa nakaraan ng mga CauayeƱos at isang pagkakataon na maranasan ang lungsod noong taong 1740. Ito ay mayaman sa kultura at kasaysayan na nililinang para sa mga susunod na henerasyon. Sa loob ng kampo ng Hacienda de San Luis, maaring bisitahin ang Museo de San Luis at malaman kung paano ginagawa ang tabako para sa Manila-Acapulco Galleon Trade. Kung ikaw naman ay mahilig sa mga outdoor activities at may bakas pa ng enerhiya, maaring mag-“scale up” sa kanilang platform para sa wall climbing, sumakay sa kanilang zipline, at masiyahan sa panoramic view ng maganda at maimpluwensyang Cagayan River.
Ngunit hindi lamang ito ang lahat ng maiaalok ng Hacienda de San Luis Eco-Tourism Park. Nitong mga nakaraang panahon, idinagdag nila ang mga bago at kaakit-akit na pasilidad na naghihintay sa iyo. Ngayon ay mayroon na silang Cagayan Valley Science Centrum. Bukod sa mga atraksiyon, bukas din ang Hacienda de San Luis para sa MICE (Meetings, Incentives, Conferences and Events). Maari rin kayong mag-shooting sa lugar na mayroong minimal na bayad. (Kayla Dy/on-the-job trainee)