Ulat nina Vince Jacob Visaya at Maria Angelina Castueras
Mahigpit na ipinatupad ang health protocols at naging matagumpay ang unang araw ng “Let’s Vote Pinas” vote counting machine demonstration at mock polls sa loob ng SM City Cauayan mall sa Cauayan City kanina (April 22).
Kinunan ng temperature ang mga boboto at iba pang papasok sa mock voting center, di-nisinfect ang mga kamay at mga election materials at sinunod ang physical distancing.
Ayon kay Atty. Jims Dandi Ramos, city election officer ng Ilagan, kapag may temperatura raw na lagpas sa 36.5 at may sintomas ng COVID-19 ay agad itong ihihiwalay sa isang isolated polling place sa botohan mismo.
Dahil praktis lamang, hindi naman nasunod ng ilan ang tamang pagboto kaya mag mga over-voting at naging invalid ang balota.
Wala namang naging aberya ang VCM machine na ginamit ng Commission on Elections.
Inaasahang abot sa isanlibong katao ang sasali sa mock voting hanggang bukas sa lugar.#