TUGUEGARAO CITY — Pumalo sa 42 degrees Celsius ang heat index sa Aparri, Cagayan kahapon, Marso 14, at 38 degrees Celsius sa Tuguegarao City ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Dahil dito, ramdam ng mga residente ang matinding init na nagdudulot ng pangangati sa balat, pagkahilo, at kawalan ng ginhawa. Ayon kay Benny Rose Maddela, isang 37-anyos na residente, hindi lamang hindi komportable ang init, kundi tila “masakit sa mata at pakiramdam.”
“Masakit po sa mata saka sa pakiramdam eh parang masakit siya na mainit na hindi ka mapalagay,” aniya. Dagdag pa niya, kinakailangang mag-ingat ang lahat dahil pabago-bago ang panahon, na maaaring magdulot ng sakit, lalo na sa mga bata at matatanda.
“Ang masasabi ko, mag-ingat tayo palagi sa araw-araw na paglabas natin lalo na ngayon. Minsan aaraw, minsan uulan, biglang aaraw na naman. Nakakakuha tayo ng sakit lalo na ang mga bata dahil mahina ang katawan. Kailangan nating ingatan ang ating sarili para hindi tayo magkasakit,” dagdag ni Maddela.
Payo ng mga eksperto, iwasan ang matagalang pagbilad sa araw, uminom ng maraming tubig, at magsuot ng magaang at preskong damit upang maiwasan ang heat-related illnesses tulad ng heat exhaustion at heat stroke.#
By Mylaruth Ballinan, Media Trainee