Sugatan ang hepe ng Bagabag police sa Nueva Vizcaya at asawa nito nang makabanggaan ng sinasakyan nilang SUV ang isang dump truck sa Barangay Nueva Era, Cabatuan, Isabela.
Dahil dito, itinakbo sa pagamutan sina PMaj. Oscar Abrogena hepe ng Bagabag Police Station sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at ang asawa nito na si Vicky Abrogena.
Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng Forward Dump Truck na si Rodrigo Tagudan Jr, 30-anyos, residente ng Brgy. Villaflor, San Isidro, Isabela.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, binabagtas ng dalawang sasakyan ang Pambansang kalsada sa magkasalungat na direksyon at ng makarating sa pinangyarihan ang aksidente ay nawalan umano ng kontrol sa manibela si Pmaj. Abrogena sanhi para mapunta ito sa kabilang linya ng kalsada at sumalpok sa kasalubong na dumptruck.
Dahil sa lakas ng bangaan ay nasawak ang harapang bahagi ng dalawang sasakyan habang nagtamo ng sugat sa katawan si Major Abrogena at ang misis nito na si Vicky na agad naman itinakbo sa pagamutan.
Mechanical error ang pinupunto ng pulisya na sanhi ng aksidente dahil sa di nakontrol ng hepe ang sasakyan.
Patuloy parin ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga otoridad.#