Photos Courtesy: (PRO2-PIO)

Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City – Arestado ang isang drug personality na kabilang sa listahan ng “High Value Individuals” ng PNP at PDEA sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa Purok 3, Barangay Don Domingo Maddela, Bayombong, Nueva Vizcaya kamakailan.

Kinilala ang suspek na si Paul Vincent Balut, kwarenta uno anyos at residente ng Purok 7, Barangay District IV, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Nadakip si Balut matapos nitong magbenta ng isang pakete na naglalaman ng 0.16 na gramo ng hinihinalang “Shabu” na nagkakahalaga ng isang libong piso sa isang PDEA agent na nagpanggap na poseur buyer.

Nakumpiska rin mula sa pag-iingat ng suspek ang isang libong pisong buy-bust money; tatlo pang pakete ng hinihinalang “Shabu”; isang asul na Huawei cellphone; isang itim na leather wallet; at anim na magkakaibang identification cards.

Ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa Bayombong Police Station ay nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PRO2-PIO)