Camp Tirso Gador, Tuguegarao City— Pinasinayaan ang ika-15 na balay silangan dito sa probinsya ng Cagayan na matatagpuan sa Pamplona, Cagayan kanina lamang, Marso 8, taong kasalukuyan.
Ang Balay Silangan na ito ay itinayo upang matugunan ang isa sa mga kinakailangan para maideklara ang isang munisipalidad bilang drug cleared municipality kung saan nagsisilbing reformation center ito para sa mga drug surrenderers o bahay ng pagbabago at kagalingan para sa mga minsang naging biktima at nalihis ng landas dahil sa droga.
“Ang Balay Silangan na ito ay maituturing na isang konkretong patunay ng pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya, LGU at komyunidad para sa hangaring matuldukan ang suliranin natin sa ipinagbabawal na droga” ika ni Regional Director ng PRO2 na si Pol. Brig. Gen. Steve Ludan sa kanyang naging mensahe na ipinarating naman ni Pol. Col. Renell Sabaldica, Provincial Director ng Cagayan PPO. Dagdag pa nito, ipinaabot din niya ang kanyang pasasalamat sa publiko sa patuloy na pagsuporta at pagtulong sa lahat ng programa ng PNP na naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Ayon sa presentasyon ng hepe ng Pamplona PS na si Pol. Maj. Jose Cabaddu Jr, may apat na repormistang sasailalaim sa isang buwang reformation program ng nasabing balay silangan simula ngayong araw.
Nasaksihan din sa aktibidad ang paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng LGU ng Pamplona at nang PDEA, RO2. Sa kabilang banda, nagbigay ng buong suporta at pangako ang mga miyembro ng Technical Working Group (TWG) ng Balay Silangan na tulungan ang bayan tungo sa drug-cleared municipality sa pamamagitan ng Pledge of Commitment.
Gayundin, lahat ng mga kalahok na ahensya ng gobyerno kasama ang TWG ay naglagay ng kanilang lagda sa Manifesto of Agreement at Memorandum of Understanding.
Samantala, ang unveiling of marker at ribbon cutting ay pinangunahan ng naman ng kinatawan ng Local Chief Executive ng Pamplona kasama si Director Joel Plaza, ng PDEA RO2 na sinaksihan ng TWG Pamplona, mga Brgy. Captains at lahat ng kalahok na ahensya at pagkatapos, ang nasabing gusali ay binasbasan ni Rev. Father Arsenio Venus, Parish Priest ng Saint Vincent Ferrer. (PNP-Cagayan)