Timbog sa buy-bust ang isang lalaki na hinihinalang tulak ng iligal na droga sa bayan ng Solana, Cagayan (Photos courtesy: PNP-Region 2)

Camp Marcelo Adduru, Tuguegarao City- Bumagsak sa kamay ng mga otoridad ang isang lalakeng sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga sa bayan ng Solana, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Noroden Dongon, 38 anyos, residente ng Brgy Centro, North West, Solana, Cagayan.

Batay sa ulat ng PNP Solana, dakong alas 12:25 ng tanghali kahapon, July 30, 2022 nang ikasa ang operasyon ng pinagsanib pwersa ng Solana Police Station sa pamumuno ni Police Major Darwin Urani at Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit ng Cagayan Provincial Police Office sa pamumuno ni Police Major Joefferson Gannaban na nagresulta sa pagkaka aresto ni Dongon matapos itong kumagat sa poseur buyer ng PNP.

Maliban sa nakuhang isang pakete ng shabu at isang libong  piso na ginamit sa transakyon ay nakumpiskahan pa ito ng pitong piraso ng pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may halagang P15,000.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 ng RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naturang suspek.

Batay sa rekord ng pulisya, si Dongon ay dati ng nasampahan ng kaparehong kaso noong 2018. #