Patuloy raw na manunungkulan si Gob. Manuel Mamba at aakyat sila sa Korte Suprema upang ipawalang-bisa ang diskwalipikasyon ng Comelec. (CPIO)

Ulat ni GIDEON VISAYA at DEMIE DANDAY/BH News Team

TUGUEGARAO CITY-Diniskwalipika mulli ng Commission on Elections si Cagayan Governor Manuel Mamba, na nagpatibay sa pagpapawalang-bisa sa kanyang pagkapanalo noong May 2022 elections at pagbasura sa kanyang motion for partial reconsideration.
Sa inilabas na desisyon noong Miyerkules, opisyal na pinasiyahan ng Comelec ang merito ng disqualification case na inihain ng abogadong si Victorio Casauay, chief of staff ng karibal ni Mamba na si 3rd District Rep. Joseph Lara.
Noong nakaraang halalan noong 2022, tumakbo bilang gobernador si Mamba, bise gobernador ang pamangkin na si Francisco III, at kinatawan ng 3rd District ng Cagayan ang asawa ng gobernador na si Atty. Mabel Mamba. Nanalo si Gob. Mamba pero natalo ang asawa at pamangkin.
Inakusahan ni Casauay si Mamba ng paggamit ng pampublikong pondo para magbigay ng tulong pinansyal, scholarship grant, at transportasyon sa loob ng 45-araw na panahon ng pagbabawal ng Comelec.
Sinabi ni Gobernador Mamba na natanggap nila ang kopya ng utos ng Comelec noong Biyernes (Mayo 30). Gayunman, paniwala ang gobernador na sa kabila ng paninindigan ng Comelec en banc sa disqualification case laban sa kanya, ito ay “hindi isang unanimous decision.”
“Uubusin namin ang lahat ng remedyo at rekurso sa ilalim ng batas, kabilang ang paghahain ng apela sa Korte Suprema upang mapawalang-bisa ang desisyon ng Comelec en banc,” sabi ni Mamba sa kanyang ipinalabas na pahayag sa media at uupo raw siyang gobernador hanggang tanghali ng Hunyo 30.#