Courtesy: Cagayan Police Provincial Office

Camp Tirso H Gador, Tuguegarao City- Isang miyembro ng militia ng bayan ang kusang sumuo sa awtoridad kahapon, Setyembre 19, taong kasalukuyan sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Batay sa ulat, nakilala ang nasabing indibidwal na si alyas Dencio, 58 anyos, isang magsasaka, binata, at residente ng Brgy. Mabuno, Gattaran, Cagayan.

Napag-alaman mula rito na noong Hunyo taong 1979, nagsagawa ng pagpupulong ang isang grupo ng Communist Terrorist Group sa Brgy. Caleddegan, Baggao, Cagayan, hinggil sa mababang halaga ng mga produktong pang-agrikultura, mataas na interes ng mga utang, at iba pang isyu tungkol sa mga magsasaka. Natanong siya ng lider ng grupo kung interesado itong sumapi sa kanila.

Makalipas ang isang linggo ay nagpasya siyang sumali sa grupo at dumalo siya sa pagpupulong sa parehong barangay. Sa kanyang pananatili sa lugar, sumailalim siya sa mga serye ng mga lektura tulad ng “assembly at disassembly” ng M16 at M14 rifles, paghawak ng baril, at mga training na pampalakas.

Ibinunyag din nito na matapos siyang maitalaga bilang team leader, nagsagawa siya ng “monitoring at route security” sa tuwing lilipat sila sa iba’t ibang barangay ng Gattaran, Cagayan para sa pagsasagawa ng pagpupulong hinggil sa propaganda laban sa gobyerno o ang “Hukbong Pakikibaka”.

Alinsunod dito, naghatid din siya ng “BARING KUWAS” mula sa iba’t ibang lugar ng Gattaran at Baggao, Cagayan. Taong 1983, lumayo siya sa grupo at Agosto 2016, muli siyang hinikayat na bumalik ngunit hindi pumayag at piniling mamuhay ng normal.

Ang pagsuko ng nabanggit ay bunga ng patuloy na kampanya ng Cagayano Cops sa pangunguna ng Provincial Director na si PCOL JULIO S GOROSPE, JR laban sa insurhensiya kaakibat ang mga opisyales ng barangay.

Sumasailalim ngayon sa custodial debriefing ang nasabing tao para sa tamang disposisyon.

Nakiisa sa operasyon ang 2nd Mobile Force Platoon, 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (Lead Unit) sa pangunguna ni PLT VILMORE MALLILLIN, Platoon Leader; Intelligence Operatives ng Camalaniugan Police Station sa pangunguna ni PLT JIM I PALATTAO, Officer-in-Charge; Alpha Company, 77th Infantry Battalion, 5th Infantry Division, Philippine Army sa pangunguna ni 1stLt HAROLD SOCORRO, Company Commander at 1stLt JAYSON COLLADO; 501st Brigade, 5th Infantry Division, Philippine Army sa pangunguna ni MAJ JOSE HUMIWAT; S2, 77th Infantry Battalion sa pangunguna naman ni 1stLt DONDON MALIDAS at PLT SHERWIN WYETH LIMUN, Platoon Leader; at ang 203rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2.