Courtesy: Nueva Vizcaya PPO

Patay ang kambal na Grade 11 students na nakasakay sa motorsiklo matapos silang ma-hit and run ng isang van habang pabalik sa kanilang paaralan nang kinuha ang baon para sa kumpetisyon sa track and field sa bahagi ng national road sa Barangay Mungia, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Dahil dito, nagluluksa ang pamilya Balagat sa sabay na pagkamatay ng 16-anyos na kambal na lalaki na di na pinangalanan dahil sa data privacy matapos ang banggaan.

Ayon kay Police Major Nova Lyn Aggasid, tagapagsalita ng PNP Nueva Vizcaya, sumuko ang drayber ng van sa barangay kapitan ng Tactac, Santa Fe, Nueva Vizcaya matapos tumakas at iniwan ang nabanggang kambal sa kalsada. Agad naman na nadala sa kapulisan ng Santa Fe ang suspek at agad na naiturn-over sa PNP Dupax del Norte na may hurisdiksyon sa kaso.

Pakaliwa sa palikong daan ang van habang sumalubong naman ang kambal na walang helmet kaya tumilapon sila sa kalsada at namatay. Ayon sa mga saksi, maaaring nabuhay pa ang mga ito kung itinakbo agad ng suspek ang mga biktima sa pagamutan.

Naisugod ng mga dumaan na mga motorista ang kambal pero patay na sila nang makarating sa pagamutan.

Sa pahayag ng kanilang ama na si Armando Balagat, umuwi ang kanyang mga anak nitong Lunes ng tanghali para kumuha ng mga gulay na babaunin sana nila para sa sasalihang sports competition sa lalawigan.

Napilitan na magmotorsiklo ang mga biktima dahil malayo ang kanilang paaralan at walang pampasaherong mga sasakyan sa liblib nilang lugar, dagdag niya.

Masaya pa umano sila nang magkita-kita silang mag-aama at ikinuwento ang pagsabak sa track-and-field competition. Nangyari aniya ang road crash habang pabalik sila sa paaralan. Ayon pa kay Police Major Aggasid, na-inquest na ang suspek ngayong araw na kinasuhan ng reckless imprudence resulting to double homicide at abandonment of one’s victim dahil sa pagtakas.#