Natagpuan na ang katawan ng 13-anyos na binatilyong nalunod sa Ilog Cagayan na bahagi ng Barangay Maddarulog, Enrile, Cagayan.
Ayon kay Janet Patalinghug, station manager ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) Tuguegarao station, nakita ang palutang-lutang at wala nang buhay na katawan ng hindi na kinilalang biktima ng mga rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Enrile ngayong umaga ng Martes malapit sa Buntun bridge sa lungsod ng Tuguegarao.
Positibo namang kinumpirma ng ama ng binatilyo na ang natagpuang bangkay ay ang kanyang nalunod na anak.
Kung matatandaan, nalunod ang binatilyo hapon nitong Marso 23, 2025 nang maligo ang biktima sa Ilog Cagayan kasama ang anim nitong mga kaibigan na pawang mga menor-de-edad.#