Mga labi ng isa sa dalawang nasawi na piloto ng PAF FA-50 jet fighter, nasa Kalinga na ngayong araw at binigyang pugay ng mga kababayan sa kapitolyo.
Kaninang bago-alas-dose ng tanghali ay ibinaba ng PAF helicopter ang mga labi ni Major Jude Salang-oy sa helipad sa Calanan, Tabuk City, Kalinga matapos itong masundo sa Tuguegarao City airport.
Ayon sa kanyang kamag-anak na si Edwin Wayagwag, binigyan ng arrival honors ng PAF Tactical Operations Group 2, 503rd IB at ng 5th Installation Management Battalion ang mga labi ni Salang-oy. Sinalubong ang labi ng mga kaanak, kaibigan at kasama sa military. Mananatili ang mga labi ni Salang-oy sa Kalinga capitol ngayon para sa necrological services bago idala sa kanyang tahanan sa Purok 1, Bulanao, Tabuk City.
Una rito, nagsagawa ng tactical night operations para ground support sina Major Salang-oy at First Lieutenant April John Dadulla pero ang kanilang sasakyang panghimpapawid ay bumagsak sa Mt. Kalatungan Complex, Bukidnon at natagpuan ang kanilang mga bangkay noong Marso 5.
Kabilang si Major Salang-Oy sa Philippine Military Academy “Siklab Diwa” Class of 2014 at nagserbisyo sa Philippine Air Force ng mahigit isang dekada. Ang kasama niya, si First Lieutenant Dadulla ay kasapi ngPhilippine Air Force Officer Candidate Course “SINAGLAWIN” Class ng 2020. #