INIINSPEKSYONAN ng mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Isabela ang mga nasamsam na mga pera at papelitos sa raid ng pulisya sa Ilagan at Cauayan City. (Felix Cuntapay Jr.)

Timbog ang 13 katao sa dalawang jueteng dens makaraan silang salakayin ng mga kasapi ng pulisya ng Criminal Investigation and Detection Group, intelligence teams at PNP-Cauayan City sa Barangay Minante Uno, Cauayan City at Bliss Village sa Ilagan City kamakalawa.

Kinilala ang mga nadakip na sina Volter Landicho, 40-anyos na kabo ng jueteng; Michael Valle, 38-anyos na kabo; Felicito Aguda, 47-anyos na kabo; Mark Geron De Guzman, 41-anyos na rebisador; Raniel De Guia, 31-anyos na rebisador; John Jefferson Corpuz, 29-anyos na rebisador, at Paul Viernes, 39 anyos na table manager. Anim naman ang nadakip sa Ilagan.

Tumangging magsalita sa media ang mga nadakip at wala ring pahayag ang pinuno ng kanilang tanggapan.

Una rito, nakatanggap ng tip ang kapulisan na kasalukuyan ang operasyong ng ilegal na jueteng sa nasabing mga lugar.

Agad nagpunta ang grupo at nagkunwaring tataya rin at dinakip agad ang mga salarin.

Nasamsam ang P52,400 cash; 59 na mga bungkos ng mga papelitos at mga gamit sa pagpapataya na mga ballen, stapler, tape, papel at iba pa.

Kinilala ang grupo na Tiaong Jueteng Group na ilegal na matagal na umanong nagooperate ng jueteng sa Isabela.

Dinala sa CIDG ang mga suspek at inihahanda na ang kasong paglabag sa anti-illegal gambling law.#