Ulat ni MARIA JESUSA ESTEBAN, Correspondent
Tututukan ng Senate Committee of the Whole ang isyu ng large-scale smuggling ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa, ayon kay Senate President Vicente Sotto III sa panayam ng mga mamamahayag sa Lambak ng Cagayan ng Disyembre 8.
Una nang may privilege speech si Sotto na kung saan binigyang diin nitong nababalewala ang mga ginagawang hakbang ng mga mambabatas para tulungan ang mga magsasakang Pilipino dahil patuloy na namamayani ang smuggling at korapsyon.
Ibinatay niya ang aksiyon dahil sa Bureau of Customs (BOC) report na mula May 2021 hanggang nitong November 18, nasa 25 anti-smuggling operations ang isinagawa ng ahensya at tinatayang aabot sa 1 bilyong pisong halaga ng smuggled na karne, gulay, isda at iba pang raw products ang nasabat.
Ayon kay Sotto, hindi tugma ang datos sa mga isinasampang kaso ng BOC.
Hinala ni Sotto, mukhang may korapsyon dito dahil kung hindi nakalusot o nahuli, ay posibleng hindi nasampahan ng kaso ang mga smuggler o kung nakasuhan man ay mas mababang kaso lang ang isinampa sa mga sangkot sa isyu.#