Ulat ni Jun Cuntapay
Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City- Tuluyan ng sinampahan ng kaso ang pulis na inireklamong nanampal umano ng dalawang construction worker sa barangay Centro 2, Sta Praxedes, Cagayan.
Pormal ng isinampa ang 2 counts ng Slander by Deed laban kay PCpl Eufrecino Javier Jr. sa Provincial Prosecutors Office Sanchez Mira, Cagayan na naitala sa NPS Nos. II-2SM-INQ-22G-00038 at 00039, subalit pansamantalang pinalaya matapos itong makapaglagak ng piyansang aabot sa 36, 000 pesos.
Sa press statement ng Cagayan Police Provincial Office, binigyang diin ni PCOL Renell R. Sabaldica, Provincial Director, na hindi nila kailanman kukunsintihin ang maling gawain ng kahit ng sinumang miyembro ng kapulisan at tiniyak din nitong hindi magpapabaya ang Cagayano Cops sa sinumpaan nitong tungkuling maglingkod at protektahan ang mga mamamayan.
Matatandaan na ika-20, ng Hulyo 2022 dakong alas 5:30 ng hapon ng sampalin umano ng suspek ang mga biktimang sina Fidel Oroceo at Johnie Balanay matapos umanong mapikon ang una nang tanggihan umano siya ng isa sa mga biktima sa kanyang alok na sigarilyo.
Si PCpl Javier ay ipinasakamay na sa kanyang bagong assignment sa Provincial Headquarters ng Cagayan Police Provincial Office.
Maliban sa kasong Kriminal, mahaharap din si Javier sa kasong administratibo.#
Courtesy: PNP Cagayan