Dinakip sa Quirino ng mga kasapi ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army at ng Philippine National Police (PNP) ang isang lider ng New People’s Army na may kasong multiple murder sa Isabela.
Ayon kay Major Rigor Pamittan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, sa bisa ng warrant of arrest na may criminal case number 24-8071 na inilabas ng Regional Trial Court Branch 24, Echague, Isabela, isinilbi ang warrant of arrest kay Ramon Luis alias Romeo Cudal o Mon, 66 taong gulang, ng Baracaoit, Gattaran, Cagayan.
Sa tulong ng mga residente, natunton ang kinaroroonan ni Cudal at naaresto ito sa Barangay Villa Pascua, Diffun, Quirino noong Sabado.
Wala namang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Cudal.
Kasalukuyang Agrarian Revolution Officer ng Komiteng Probinsya Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) si Romeo. Siya ay sumapi sa armadong kilusan noong 1980 at itinalagang Secretary ng Sangay ng Partido sa Platun (SPP) – Gani, Central Front, Komiteng Rehiyon-Hilagang Silangang Luzon.#
Larawan mula sa 5th Infantry Division