Sa kabila ng karangalan na binigay ni 2020 Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz sa buong Pilipinas, alam nya na malaki rin ang papel na ginagampanan nya bilang role model ng mga Filipino athletes lalo na sa aspeto ng pag-iipon.
“Para sa mga athlete na katulad ko, importante na may ipon ka,” ani Hidilyn. “Mag-save ka sa bangko para mas ligtas ang pera mo, hindi yung kung saan-saan mo lang ilalagay tulad ng alkansya na pwedeng mawala o pwede ring ma-tempt ka na kumuha para ipangbili lang ng kung ano-ano.”
Ayon sa champion weightlifter, ang pag-iipon ay paghahanda ng isang indibidwal lalo na sa oras ng emergency.
“Kung may emergency, alam ko na may maibibigay ako sa pamilya ko or may pang-gastos ako. Hindi yung iisipin ko pa kung saan-saan ako huhugot. Maghihiram pa ba ako sa iba? Hindi ako habambuhay na atleta. Hindi ako parating champion. Hangga’t meron, mag-i-ipon,” dagdag nya.
Naging malaking eye-opener kay Hidilyn noong hindi sya nakapag-qualify sa 2014 Asian Games dahil sa knee injury. Kwento pa nya na pinagdudahan nya ang kanyang sarili noon at ang kakayanang makabalik sa weightlifting.
“Feeling ko laos na ako,” pag-alala ni Hidilyn.
Isa sa mga nagtulak at nag-inspire sa kanya na bumalik ay ang mindset na kailangang may savings sya dahil maraming umaasa sa kanya.
“Kailangan kong makabalk sa sports at kailangan kong maging successful para makapag-ipon uli. Kailangan may pang-emergency funding ako. Nag-ipon ako para kahit tapos na (ang career ko), anuman ang mangyari, kahit laos na ako may fallback ako,” sabi nya.
Pangarap din ni Hidilyn na mai-share sa kapwa atleta ang mga natutunan nya sa isang banko lalo na ang aspeto ng financial education.#