Lima katao ang patay at siyam ang sugatan nang bumagsak ang sinasakyan nilang van sa ilog mula sa gilid ng bundok sa Sitio Ampawilen, Brgy. Poblacion, Sadanga, Mountain Province ng alas-diyes kagabi, Abril 4.
Sa ulat ng PNP Sadanga, bumagsak mula sa gilid ng kalsada sa bundok papunta sa ilog ang van (plaka:NDA 9883) na may lalim na 50-metro.
Idineklarang dead on the spot sina Vance Quinto Hernandez Jr., 45-anyos na van driver at taga-Bulacan; Gerardo Navarro, 36-anyos na taga-Zamboanga; Veronica Hipolito, 36-anyos na taga-South Cotabato at isang di-nakilalang babae na nakasuot ng gray t-shirt at black leggings.
Idineklarang dead on arrival naman si Jay Niño Belando, sa Bontoc General Hospital sa Bontoc, Mountain Province.
Siyam na iba pa na may edad 20 hanggang 45 anyos ang nasa ospital at ilan sa kanila ay kritikal ang kalagayan.
Papunta sana ang mga biktima kay Whang-od at mamamasyal sa Buscalan, Tinglayan, Kalinga nang mangyari ang aksidente.
Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng pulisya.#