Ulat ni Carla Natividad
CITY OF ILAGAN- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ina-update na nila ang kanilang listahan ng mga benepisyaryo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Lahat ng hindi kwalipikadong benepisyaryo ay aalisin sa programa.
Ayon kay Maria Victoria Peronce, 4-anyos na residente ng Ilagan City, na malaki ang naging tulong ng 4Ps sa kanilang buhay lalo na sa pag-aaral ng kanyang mga anak. “Kung tutuusin hindi pa sana na pwedeng magtanggal kasi mahirapan kami lalo na ngayon ang hirap ng buhay ngayon at yung bilihin ngayon kulang na yung isang libo sa isang araw,” ani Peronce.
Samantala, sang-ayon naman si Norma Santos, 72-anyos, sa pagtatanggal ng mga hindi kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps. “Minsan maganda yung mabigyan sila ng punish ayun po ang gusto ko kasi paano natin mapupuksa ang kasamaan ng mundong ito kung kinokoberan naman natin ang mga nakikita nating masasama,” ani Santos.
Habang may ilang residente naman ang nagbabakasali na masama ang kanilang pangalan sa nasabing programa.
Sa ngayon, patuloy na nagsusumikap ang DSWD sa pamununo ni Secretary Erwin Tulfo sa pangangalap ng data upang matiyak na ang lahat ng hindi kwalipikadong benepisyaryo ay aalisin sa nasabing programa. #