Courtesy: PRO2

Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan – Nahaharap sa dalawang kasong Robbery ang mag inang suspek matapos magnakaw ng mga gamit sa dalawang paaralan sa Claveria, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina Clarita B Cademia, singkwenta anyos at Ismael Cademia, bente anyos, kapwa residente ng  Brgy. Langagan, Sanchez Mira, Cagayan

Batay sa ulat ng PNP Claveria, nakatanggap sila ng tawag kay Ginoong Framel Clemar De Peralta, school principal na mayroong nangyaring  insidente ng nakawan sa Claveria West Central Elementary School, Brgy. Centro 1, Claveria, Cagayan kung saan matagumpay na natangay ng mga suspek ang isang Dep-Ed issued laptop matapos pwersahang baklasin ang grills ng isang bintana at tanggalin ang mga jalousie blade nito.

Agad namang tinugis ng pulisya ang mga suspek at sa tulong ng mga barangay officials ay natunton ang mag ina na nagpapahinga sa isang kubo malapit sa palayan sa Barangay Centro 7 sa nasabing bayan.

Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang  laptop, dalawang laptop charger, isang  defective Samsung white cellphone, dalawang defective solar panel, tatlong USB flash drive, isang gunting at isang itak.

Napag alaman din ng PNP Claveria na noong ika-6 ng Oktubre taong kasalukuyan unang isinagawa ng mag ina ang panloloob sa Magdalena Elementary School kung saan inakyat umano ng mga ito ang bubungan ng isang classroom at nilagare ang exhaust tunnel sa kisame  para gawing pasukan at lagusan. Natangay ng mag ina  ang isa pang Dep-Ed issued laptop na pagmamay-ari ng isang guro sa naturang eskwelahan.

Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya ng Claveria PS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.#

Courtesy: PRO2