CAMP LT, ROSAURO TODA JR., CITY OF ILAGAN, Isabela – Dinakip ang isang magsasaka sa paglabag sa kasong RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children at kasong RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kahapon, Marso 8, 2024.

Batay sa ulat ng Burgos PS, sila ay nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na kung saan ay inihayag ang nagaganap na di kanais-nais sa kanilang lugar. Agad naman inaksyonan ng mga rumespondeng kapulisan.


Naaresto ang suspek na si alyas “R-R”, 40 anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng Brgy. Caliguian, Burgos, Isabela. Ayon sa mga pulisya ng Burgos PS, naabutan nilang nagpapalitan ng diskusyon ang mag live-in partner at noong tangkain nilang pakalmahin ang mag live-in partner ay napansin ng mga kapulisan ang kahina-hinalang bagay na nakaumbok sa bewang ng suspek.


Lumabas sa pagkakakompronta sa naturang suspek ang isang baril na hindi rehistrado dahilan upang siya ay arestuhin. Nakumpiska ng pulisya ng Burgos PS mula sa suspek ang isang Cal. 357; isang bala at isang basyo ng bala.


Ang nasabing suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Burgos Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon para sa pagsasampa ng kaso.#