Matagumpay na naaresto ng mga otoridad ang isang Top 6 Most Wanted person sa Brgy. San Ramos, Nagtipunan, Quirino.
Ang suspek ay isang magsasaka na nahaharap sa kasong Qualified Rape dahil sa panggagahasa sa sarili nitong kapatid na isang menor de edad.
Batay sa imbestigasyon, ang insidente ay naganap noong Setyembre 2, 2024, kung saan dinala umano ng suspek ang menor de edad na biktima sa loob ng isang silid habang abala ang kanilang mga kasamahan sa bahay at doon isinagawa ang karumal-dumal na krimen.
Sa pinagsamanang pwersa ng Nagtipunan Police Station, Quirino Provincial Intelligence Unit (QPIU), 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company (QPMFC), at Regional Intelligence Unit 2 (RIU2), naisilbi ang warrant of arrest laban sa suspek at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Alinsunod sa Miranda Doctrine, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatan.
Sa ngayon, ang suspek ay nasa kustodiya ng Nagtipunan Police Station para sa kaukulang dokumentasyon bago dalhin sa korte na kinauukulan.#