Courtesy: MDRRMO Sto. Niño

Patay na ang magtiyuhin nang matagpuan matapos malunod sa bahagi ng Chico River sa Brgy. Namuccayan, Sto. Niño, Cagayan.

Kinilala lamang ang mga nalunod na sina Leon, 44-anyos, residente ng Taguig City, at si Marlene, 17-anyos, ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Dumalaw lamang daw sa kanilang mga kaanak sa bayan ng Sto. Niño ang magtiyuhin.

Bandang alas-9:00 ng umaga ng Mayo 31, 2025 nang magpasyang magtungo sa ilog ang mga biktima kasama ang limang iba pa upang mag-picnic at maligo.

Kalaunan ay napansin umano ng grupo na nawawala na si Marlene kaya nagpasya naman ang kanyang tiyuhin na si Leon na suungin ang ilog upang isalba at hanapin ito.

Malalim umano ang bahagi ng ilog na tinalunan ni Leon kaya hindi ito nagawang makaahon na nagresulta rin sa kanyang pagkakalunod.

Nagsagawa agad ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Sto. Niño at ang Philippine Coast Guard ng search and rescue operation.

Nakita rin kalaunan ang katawan ni Leon ng hapon ng Sabado pero idineklarang patay na nang madala sa pagamutan.

Ganap na 4:30 ng umaga ng Linggo, Hunyo 01, 2025, natagpuan ang bangkay ni Marlene, 30-metro ang layo kung saan ito naligo mula sa Namuccayan Bridge sa naturang bayan.

Pinaglalamayan na ang magtiyuhin.#