Ipinagkaloob sa mga magsasaka at mangingisda ng Cagayan Valley sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ang mga kagamitang pang-agrikultura na nagkakahalaga ng 10,354,000 milyong piso sa iba’t ibang Farmers and Fisherfolk Cooperatives and Associations (FCAs) sa buong Cagayan, Nueva Vizcaya, at Quirino.
Ginanap ang seremonya sa Southern Cagayan Valley Research Center Annex sa Maguirig, Solana, Cagayan at dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa limang FCAs, kabilang ang Tapao Agriculture Cooperative, Sanguit Upland Farmers Multi-Purpose Cooperative, Aritao Irrigators Multi-Purpose Cooperative, Women’s Garlic Onion Growers Association Inc., at Paraiso United Farmers Association.
Ilan sa mga ipinamahagi ay isang 4-wheel drive na traktora na nagkakahalaga ng PHP 1.6 milyon apat na hauling truck na nagkakahalaga ng PHP 2,188,500 at mga input pang-agrikultura na naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura sa rehiyon.
Kinakatawan si Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino, hinikayat ni RTD Kay S. Olivas ang mga kooperatiba na pangalagaan ang mga ibinigay na kagamitang pang-agrikultura. “Umaasa kami na hindi ninyo ito titingnan bilang isang bagay na ipinapataw sa inyo kundi bilang tunay na pangangailangan ninyo. Marami ang nangangailangan, at kayo ay pinalad na mapili,” saad nito.
Ang mga kinatawan mula sa mga FCA, kabilang sina Gng. Dominga Tibingen ng Cagayan, Gng. Joselyn Agcaoili ng Nueva Vizcaya, G. Bonnevie Dumayan ng Quirino, at G. Jessie Ligue ng Nueva Vizcaya, ay nangako na gagamitin at pahahalagahan ang suporta mula sa gobyerno sa abot ng kanilang makakaya.#