Ulat ng BH Team
CABARROGUIS, Quirino–Pumalo sa bilang na 3,389 ang mga naitalang kaso ng dengue virus at 11 na namatay na dulot ng lamok na aedes aegypti sa Lambak ng Cagayan mula Enero 1 hanggang Mayo 24 ngayong 2025, ayon sa Department of Health (DOH) Region 2 sa presentasyon kanina (Mayo 29) ng dengue updates forum na ginanap sa Hostel Building B sa Quirino Water Sports Complex, Quirino Province.
Inihayag ni Dr. Janet Ibay, Infectious Diseases Cluster head ng DOH Region 2, na batay anya ito sa kanilang pinakahuling datos ng dengue sa rehiyon (Enero 1-Mayo 31) ngayong taon kumpara sa kahalintulad na petsa noong nakaraang 2024, umakyat sa 102-porsiyento ang mga kaso o 1,678 noon na mga kaso at may limang namatay.
Nasa lima ang nasawi sa Isabela at tig-tatlo ang mga namatay sa Cagayan at Quirino ngayong 2025, malayo sa apat lamang na mga kaso sa Isabela at isa sa Batanes noong 2024 sa parehong panahon.
Sa pagprisinta ni Dr. Ibay, umakyat ang mga kaso sa Isabela na may 1,377 na mga kaso at limang namatay ngayong 2025 habang 431 lamang na mga kaso at apat ang mga namatay noong 2024 o nasa 219-porsiyento ang pagtaas sa kapareho na panahon.
Ang Cagayan naman ay nasa 803 ang mga kaso ngayong 2025 habang 294 lamang noong 2024 o may 173-porsiyento na pagtaas.
Tumaas rin ang mga kaso sa Quirino na may 268 na mga kaso mula sa 114 na mga kaso noong 2024 o nasa 135-porsiyento na pagtaas.
Tumaas rin ang mga kaso sa independent city ng Santiago na may 202 na mga kaso ng 2025 mula sa 2024 o 149-porsiyento na pagtaas.
Ang mga lalawigan lamang ng Nueva Vizcaya at Batanes ang bumaba ang mga kaso.
Dalawampu’t-apat na mga kaso ang naitala sa Batanes ngayong 2025 habang 32 noong 2024 o 25-porsiyento na pagbaba.
Dalawang porsiyento naman ang ibinaba ng mga kaso sa Nueva Vizcaya, 715 ang mga kaso ngayong 2025 habang 726 noong 2024.#