Courtesy: DOLE Region 2

RIZAL, Cagayan- Nagbahagi ng nasa kabuuang ₱580,000 halaga ng tulong pangkabuhayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa 29 na magulang at tagapag-alaga ng mga child laborers sa Rizal, Cagayan.

Ito ay bahagi ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP) at layunin ng programang ito na matulungan ang mga pamilya ng mga batang manggagawa at maiiwas sila sa mapanganib na epekto ng child labor at maibalik ang mga bata sa paaralan.

Kabilang sa natanggap ng mga benepisyaryo ay mga kagamitan para sa pagsisimula ng maliliit na negosyo tulad ng Tile Setting Services, Hair and Make-up Services, Carpentry, Electronic Repair Services, Nail Care Services, Food/Ulam Vending, Rice and Feeds Vending, Fried Chicken Vending, at Printing & Lamination Services.

Ayon naman kay Mardie Ingay, isa sa mga benepisyaryo, “Dahil sa kahirapan, napipilitan ang aking anak na magbanat ng buto sa murang edad. Ngunit sa tulong ng DOLE, kami ay nabigyan ng mga kasangkapan upang magsimulang mag-negosyo. Sa halip na nasa bukid ay magkakaroon na ng oras makapag-laro at makapag-aral ang aking anak,” aniya.

Pinangunahan naman ni DOLE Cagayan Field Office Head Laura B. Diciano ang awarding ceremony at binigyang-diin niya ang kahalagahan ng livelihood grants at pagbibigay ng karagdagang kita sa mga pamilya upang hindi na kailanganing magtrabaho ng mga bata. #