CITY OF ILAGAN- Ang mag-ama na tandem ni incumbent mayor Josemarie “Jay” Diaz at ang kanyang anak na si incumbent councilor Jayve Diaz, ay idineklara bilang panalong mayor at vice mayor, ayon sa pagkakasunod, ngayong Mayo 13 ng madaling araw dito.

Si Mayor Diaz ay nakakuha ng 74,188 na boto laban kay Atty. Gideon Ventura na nakakuha ng 6,931 boto. Para sa bise alkalde, nakakuha si Jayve ng 60,723 boto laban kay dating konsehal Margarette Uy-Chin na nakakuha ng 20,935 boto at Hermogenes Antonio na nakakuha ng 375 boto.

“Ako ay lubos na nagpapasalamat sa pagtitiwala dahil ako ay magsisilbi sa aking ikatlo at huling termino bilang alkalde,” sabi ni Diaz.

Inihayag ng anak ng alkalde na si Jayve na ang kanyang tagumpay ay isang “calling for service” at siya ay “kikilos bilang isang public servant at palaging may mga resulta.”

Ang mga nahalal na miyembro ng konseho ay sina Rachel Villanueva-Garcia, Kyrill “Kit” Bello, Harold Olalia, Josephine Baggao-Borromeo, Rolly Tugade, Lillian Bringas, Antonio Manaligod Jr., Perlita Gaoiran, Gaylor Malunay at Maria Victoria “Bic-Bic” Albano.#