Pinaslang ang kasalukuyang alkalde ng bayan ng Rizal, Cagayan habang ito ay nagsasagawa ng campaign rally kagabi, Abril-23 sa Barangay Iluru Sur.
Agad na isinugod si Mayor Joel Ruma, isang abogado, sa Tuao District Hospital subalit idineklarang dead on arrival.
Nagtamo ng isang tama ng bala sa katawan ang alkalde na nagdulot ng kaniyang kamatayan.
Batay sa inisyal na ulat, pasado alas nuebe ng gabi (9:30PM) nang pagbabarilin ang nasabing alkalde sa loob ng gymnasium ng Barangay Iluru Sur sa naturang bayan.
Kaugnay nito ay may dalawa pang katao ang nadamay sa pamamaril na kinilala na sina Merson Abiguebel at Melanie Talay na pawang kritikal.
Sa ngayon, nagsagawa ng hot pursuit operations ang mga pulis.
Kinondena ng pamunuan ng Police Regional Office 02 ang pamamaslang kay Mayor Ruma at ipinag-utos nito ang agarang pagkakalutas sa krimen.
Sina Mayor Ruma at kabiyak nito na si Atty. Brenda Ruma ay kapwa muling tumatakbo bilang alkalde at bise alkalde ngayon May 2025 local elections.#