Apat na unexploded ordnance at isang vintage bomb ang narekober ng mga otoridad sa bayan ng Gattaran, Cagayan. Sa ulat ng PNP Gattaran, dakong alas 5:30 ng hapon noong Agosto 2 taong kasalukuyan, narekober ang mga nasabing bomba ng pinagsanib pwersa ng Canine Unit (K9 Unit) at 2nd Manuever Force Platoon ng Provincial Mobile Force Company sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng Gattaran.

Ang apat na unexploded Ordnance (UXO) ay narekober sa tahanan ni Honesto Buenio ng Brgy Centro Sur habang ang isang vintage bomb naman ay narekober sa isang abandonadong bahay sa Zone 2, Brgy Takiki, Gattaran, Cagayan. Ayon sa pulisya, nadiskubre ng isang Ginang Vicitacion Molina ang nasabing bomba sa naturang lugar habang ang mga UXO ay itinawag ng isang concerned citizen sa Centro Sur, Gattaran, Cagayan.

Ang mga nadiskubreng bomba ay nasa pag-iingat parin ng Cagayan Provincial EOD at K9 para sa kaukulang disposisyon.#