Ulat ni GIDEON VISAYA
Mga ilang katao, namimingwit ng isda para may pangkain sa kasagsagan ng bagyong Crising gaya ng ilang residente sa mga bahagi ng Baculod, Lullutan, Santa Isabel Sur at iba pa sa Isabela.
Ayon kay Josephine Delleza, 35-anyos na residente ng Baculod sa Ilagan City, matumal ang naisda nila dahil mataas ang tubig at maburak sa Pinacanauan river. Maliban rito, kokonti pa raw. Di naman daw nila alintana ang ulan na dulot ng bagyo dahil hindi pa sobrang lakas at kailangan nila ng ulam.
“Maliliit lang ang nakuha naming pero ok na rin pangkain (We got small ones but it is okay for our food),” dagdag niya. Gayundin kina Jonathan Suyu, 24-anyos, at Efren Manalo, 59-anyos, na madalas silang mangisda pero wala talagang malalaking nakukuha kapag may bagyo at malalim nag tubig ng ilog.
“Tumataas ang tubig kaya mahirap na makahuli ng isda,” ayon kay Suyu. Kaugnay nito, 11 na mga bayan at isang siyudad ang nagsuspinde ng mga klase sa paaralan dahil sa bagyo. Batay sa inisyal na ulat, walang klase sa lahat ng antas sa Sta. Praxedes, Claveria, Abulug, Sta. Ana, Lal-lo, Gonzaga at Tuguegarao City sa Cagayan at sa mga coastal towns ng Palanan, Maconacon, Divilacan at Dinapigue sa Isabela.
Wala namang pasok sa pre-school hanggang Grade 12 at sa Alternative Learning System classes sa Sanchez Mira, Sto. Niño, Enrile at Penablanca sa Cagayan at sa San Mariano, Echague at Ilagan City sa Isabela.
Pansamantalang ipinagpaliban naman ang pagpapalabas ng tubig sa Magat Dam dahil mahina raw ang ulan sa watershed areas sa Isabela at Ifugao, ayon kay engineer Edwin Viernes, NIA-Magat River Integrated Irrigation System dam reservoir division chief. Nakaangkla ang liquor bans sa Isabela at Cagayan.#