Courtesy: Cagayan PPO

Mga natagpuang shabu mula sa limang mga bayan sa baybayin ng Cagayan, umakyat na sa halos 500-milyong piso ang halaga.

Ito ang kinumpirma ni Police Captain Sheila Joy Fronda, tagapagsalita ng PNP-Cagayan, matapos na matiyak na umabot sa P102-milyon ang halaga ng shabu na narekober sa dagat sa Gonzaga noong Hunyo 16, P5.1-milyon ang shabung nakita sa dagat sa Sta. Praxedes at P340-milyon sa Calayan, Cagayan. Sa Sta. Ana ay P2.72-milyon ang halaga ng natagpuang shabu sa dagat.

Una rito, natagpuan ang shabu sa mga baybayin sa bayan ng Claveria at Calayan sa Santa Ana noong Hunyo 17, at sa mga bayan ng Gonzaga at Santa Praxedes sa nakalipas na tatlong araw.

Isang mangingisda mula sa Tangingatan ang nakakita ng sako na may nakasulat na kristal na pakete ng shabu at may Chinese na mga karakter sa kahabaan ng tubig-dagat sa pagitan ng Camiguin Island at Cape Engaño sa Barangay San Vicente, Sta. Ana, Cagayan noong Hunyo 17 alas-10 ng umaga. Nang tangkaing buksan ng mangingisda, nahulog ang pakete at nagkalat ang ilan sa mga “white crystalline contents” sa dagat. Kaagad niyang isinuko ang mga gamit sa Santa Ana police pasado alas dose ng tanghali nitong Martes. Ang nakuhang shabu ay may timbang na 400-gramo.

Sa bayan ng Gonzaga, namataan ng isang mangingisda ang isang puting sako at iba pang packaging materials sa kahabaan ng tubig-dagat sa pagitan ng Babuyan Island at Gonzaga waters sa Barangay Tapel bandang alas-4 ng madaling araw noong Hunyo 16. Nalaman niya kalaunan na ang sako ay naglalaman ng 15 bloke ng hinihinalang crystal meths habang ang isa pang nasirang pakete ay naglalaman din ng 15 bloke umano ng shabu at limang walang laman na balot. Agad niyang isinuko ang mga gamit sa Gonzaga police.

Sinabi ni Police Colonel Mardito Anguluan, Cagayan provincial police director, na ang “heightened anti-illegal drug drive” ay naging bahagi ng Project SPIES o Strengthening Port Interdiction to Enhance Security na naglalayong tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad at sa baybaying dagat.

Sa bayan ng Santa Praxedes, isang barangay kagawad ang nakakita ng isang lumulutang na pakete sa kahabaan ng tubig sa Sitio Mingay, San Julian village bandang alas-3 ng hapon. noong Hunyo 14.

Noong nakaraang linggo, narekober ng mga mangingisda ang mga bloke ng hinihinalang shabu sa kahabaan ng tubig-dagat ng bayan ng Claveria at Calayan.#