Binigyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 2 ng tulong-pinansiyal ang mga sugatang biktima ng pagguho ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela.
Ayon sa ulat ng mga otoridad, anim na katao ang inisyal na naitalang nasugatan sa naturang pagguho.
Sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program, nagbigay ang ahensiya ng tig-₱5,000 tulong-pinansiyal sa dalawang biktima, habang nakatanggap naman ng ₱10,000 ang isang pamilya na binubuo ng tatlong miyembro.
Sa kasalukuyan, patuloy na nilalapatan ng lunas ang mga biktima sa pagamutan sa lungsod ng Tuguegarao.
Bukod sa financial assistance, nakatakda ring magbigay ang DSWD ng iba pang tulong batay sa magiging assessment ng mga social worker sa mga sugatang biktima.
Patuloy ring minomonitor ng ahensiya ang kalagayan ng iba pang naapektuhan ng insidente at tiniyak ang pagbibigay ng karagdagang suporta para sa kanila.#