Photo courtesy of LGU-Basco, Batanes

Ulat ni Villamor visaya Jr

Mga tubo o pipeline ng tubig sa Mt. Iraya Water Source sa bayan ng Basco, nasira kaya pahirapan ang tubig sa Batanes ngayon.

Una rito, naglabas ng Water Interruption Advisory ang lokal na pamahalaan ng Basco dahil sa aberya sa Mt. Iraya. 

Ang tubig sa Mt. Iraya ang nagbibigay ng pinakamalaking suplay ng tubig sa bayan ng Basco. 

Ayon sa pamahalaang lokal, dahil sa mga magkakasunod na malalakas na pag-ulan dala ng bagyang Emong ay nagdulot ito ng landslides at pagkasira sa mga pipelines o tubo sa bundok. 

Sa katunayan, katatapos lamang isaayos ng grupo ng Basco Water Works Sytem ang mga tubo sa Mt. Iraya nitong nakaraan dahil sa Bagyong Crising ngunit muli na namang nasira dahil sa Bagyong Emong at sa mga pag-ulan na dala ng Habagat. 

Dahil dito ay muling aakyatin ng LGU Water Works ang Mt. Iraya upang ayusin ang mga nasirang tubo.

Bagama’t mayroong sira sa water source ay nananatili namang mayroong suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Basco na sinusuplayan ng Iraya at iilan lamang ang nagkaroon ng pagkukulang sa suplay ng tubig. 

Sisikapin raw ang mabilis na pagsasaayos ng mga tubo sa Iraya para sa tuloy tuloy at sapat na suplay ng tubig sa Basco ata sa karatig-bayan ng Batanes.#