Ulat ni Jamaica Barbas
ILAGAN CITY – Naghahanda na ang Alibagu Elementary School sa Ilagan City, Isabela para sa muling pagbubukas ng klase sa Agosto. Tinitiyak ng mga Guro na ligtas ang mga Mag-aaral sa kanilang pagbabalik eskwela sa susunod na buwan.
Ayon kay Catherine Sadorra, Guro sa nabanggit na paaralan, magsasagawa ang mga ito ng Parent Orientation upang malaman ng mga magulang ang mga dapat gawin ng mga bata sa kanilang pagpasok sa paaralan. Aniya, dadaan ang mga estudyante sa temperature test bago tuluyang makapasok, ngunit kapag mataas ang temperatura at may sintomas ng COVID-19 ay dadalhin muna ito sa Isolation Area.
Dahil sa tumataas na bilang ng enrollees ay nagkulang umano ng anim na classrooms ang paaralan. Mayroong dalawang silid-aralan ang hindi na nagagamit dahil sa sobrang kalumaan. Kaya’t panawagan ni Sadorra, mapalitan na sana ang mga ito ng bago upang may magamit ang mga Guro at Estudyante.
Samantala, ikinatuwa naman ni Domingo Piano, 65, may anak na nag-aaral sa Alibagu, Elementary School ang muling pagbabalik ng face-to-face classes upang may mas matutunan ang mga bata. “Hindi sila marunong mag-ano ‘yung sa module nila puro parents na lang ang gumagawa,” ani Piano. #