Ulat ni Jamaica Barbas
CITY OF ILAGAN – Nakatanggap ng samu’t -saring reaksyon mula sa mga Isabeleno ang muling pagbuhay sa Reserved Officers Training Corps (ROTC) para sa mga estudyanteng nasa kolehiyo.
Ayon kay Arsi Ive Silisilon, 22, Sundalo, sang-ayon ito sa mandatory ROTC upang malayo sa bisyo ang mga kabataan at mas lumalim ang kanilang pag-mamahal sa bayan. “Tsaka para hindi sila ma-recruit ng mga CCNPA sa mga sulok-sulok na barangay kaya agree ako doon,” ani Silisilon.
Ikinatuwa naman ito ni Ruth Cauilan, 58, Magulang, mula Gamu, Isabela. Aniya, dapat ibalik ang ROTC sapagkat mabuti ito para sa mga kabataan at nakatutulong upang maging disiplinado ang mga bata.
Samantala, hindi naman pabor sa programa ang estudyanteng si King Herod Agub, 16. Ayon kay Agub, “Hindi po ako sasang-ayon doon sa ROTC kasi hindi naman iyon konektado sa field na kukunin ko,” Gayunpaman, kung gagawing Mandatory ang programa ay susundin na lamang umano ito ni Agub kapag ito ay naisabatas na.
Dagdag nito, sang-ayon siya sa Citizens Army Training (CAT) kung sakaling gawing mandatory ang ROTC sa kolehiyo. Aniya, paghahanda umano ito upang mas maihanda sila sa ROTC.#