Ulat ni Demie Faith Danday
Sa pangunguna ni Ginoong Villamor C. Visaya Jr., punong tagapaglathala/publisher ng Balitang Hilaga, nabigyan ng ayuda ang 20 na mga piling pamilya mula sa Alibagu, Ilagan City, Isabela upang ipagdiwang ang ikatlong anibersaryo ng Balitang Hilaga Publishing at umpisahan ang ikaapat na taon nito.
Imbes na magpasalu-salo ng marangya, naisip ng Balitang Hilaga na magbigay na lamang ng ayuda upang makapag-bigay tulong sa mga pamilyang kapos sa pang araw-araw na gastusin.
Sa panayam sa mag-asawang Orlando at Merlinda Eusebio, nagpapasalamat sila dahil ang ayudang handog ng Balitang Hilaga ay malaking tulong na upang makaluwag sila sa ilang araw na gastusin sa pagkain.
Ang mag-asawang Orlando at Merlinda ay may nag-iisang anak na pitong taong gulang at my sakit na polio. “Apat na taong gulang siya noong una kong tinuruang maglakad, sa awa ng Diyos ngayon nakakapaglakad na siya at nakakapagsalita na rin,” pahayag ni Orlando tungkol sa lagay ng kanilang anak.
Ayon sa mag-asawa, mahaba-habang gamutan at tiyaga pa raw ang kanilang kakailanganin upang tuluyan ng gumaling ang kanilang anak, nguni’t huwag itong mag-alala dahil lagi silang naka-suporta at naka-antabay sa pangangailangan niya.
Ngayong taon nga ay papasok na ito sa kinder at sila ay umaasa na mararanasan na ng kanilang anak ang buhay ng isang normal na bata. #