Ulat ng BH Team

LUNGSOD NG TUGUEGARAO—Bilang pagsunod sa pinakabagong desisyon mula sa Philippine National Police, National Headquarters, pinabatid ng Police Regional Office 2 sa publiko at sa mga stakeholder nito na ang seremonya sa pagpapalit ng tungkulin na nakatakda sana ngayong araw ay kinansela ngayong Hunyo 21, 2025  dahil sa status quo order.

Ayon kay Major Sharon Mallilin, tagapagsalita ng pulisya ng Cagayan Valley, lahat ng paghahanda at mga tauhan ng PRO2, maging ang mga stakeholder at iba pang mga panauhin ay nakahanda nang saksihan ang seremonya ng turn-over.

Gayunpaman, hindi na matutuloy ang nasabing seremonya matapos matanggap ang opisyal na tagubilin mula sa National headquarters.

Dahil dito, si Police Brig. Gen. Antonio Marallag Jr., pormal na humalili bilang Regional Director ng PRO2 mula noong Setyembre 24, 2024, ay magpapatuloy na mamuno at magsilbing tagapangalaga ng mahigit 9,000 na mga pulis.

Patuloy naman na magbibigay ng updates sa publiko ang Police Regional Office 2 sa anumang pagbabago sa organisasyon, dagdag ni Major Mallillin.#